New SHS 2nd Semester Class Schedule for SY 2025-2026 (Starting January 5, 2026)
Posted: October 14, 2025
By: Ricky Boy Aguilar
Editor: Carlo B. Echemane
TIWI, ALBAY — Umuwi ng panalo ang mga campus journalist ng Ang Layag at Gulf Gazette sa katatapos na Cluster A School Press Conference (CSPC) na ginanap noong Oktubre 7–8, 2025 sa Tiwi Central School, Tigbi, Tiwi, Albay.
Batay sa opisyal na resulta, pitong (7) campus journalist mula sa dalawang publikasyon ang nakapasok sa Division Schools Press Conference (DSPC) — isang karangalang patunay ng kanilang sipag, husay, at dedikasyon sa larangan ng campus journalism.
Nanguna si Ian Jared Oyardo sa Science and Technology Writing (Filipino) matapos masungkit ang unang pwesto. Nasundan ito ni Ricky Boy Aguilar, na nagwagi ng ikalawang pwesto sa News Writing (Filipino).
Samantala, nakamit ni Andrea Jane Sabado ang ikatlong pwesto sa Column Writing (English), habang si Sunshine Corañes ay pumang-apat sa Column Writing (Filipino).
Hindi rin nagpahuli si Jamilah J. Diolata, na nakakuha ng ikaanim na pwesto sa Editorial Writing (Filipino), at si Riane Fuentes, na nagtala ng ikapitong pwesto sa Editorial Writing (English). Nakamit naman ni Rio Mauen Fuentes ang ikapitong pwesto sa Feature Writing (English).
“This isn’t my first time in journalism. From being a cartoonist, I’m now paving my path in writing. Despite the nerves during the contest, I wrote with all my heart. I told myself that I wasn’t writing because I had to nor because I needed to win, but because this is what I love—this is where my dedication and passion have brought me. While waiting for the results, I patiently waited and silently prayed, asking God to hear my prayers—and He did! Journalism isn’t just about writing; it’s about being the voice of the voiceless,”
— pahayag ni Jamilah J. Diolata, isa sa mga nagwagi.
Ayon naman kay Andrea Jane Sabado, bagaman bago pa lamang siya sa larangan, naging makabuluhan ang karanasan sa kompetisyon.
“Nadagdagan ang aking kaalaman at nagkaroon din ako ng mga bagong kaibigan. Iyon ang isa sa mga pinakamagandang bahagi ng karanasang ito,” aniya.
Nagpaabot din na pasasalamat sina G. Echemane at Bb. Loma sa ibinigay na dedikasyon sa larangan ng pamamahayag nina Prince RJ Bequillo at Ava Sufrir.
Lubos ang kagalakan ng mga mag-aaral at ng kanilang mga tagapayo na sina G. Carlo B. Echemane at Bb. Anna Marie Abegael Loma sa natamong tagumpay ng kanilang mga manunulat.
“Ang bawat panalo ay bunga ng pagtitiyaga, pananalig, at pagmamahal sa sining ng pagsusulat. Higit sa tropeo, ang mahalaga ay ang puso at boses na nasa likod ng bawat artikulo,” ani G. Echemane.
Nagpaabot din ng pagbati si Gng. Jimerita O. Marmol, punongguro ng Rapu-Rapu National High School sa pitong (7) mamamahayag na nag-uwi ng panalo sa CSPC 2025.
Sa bawat tinta ng kanilang panulat, patuloy na nagpapatunay ang mga batang mamamahayag ng Ang Layag at Gulf Gazette na ang tunay na tagumpay ay nasusukat hindi lamang sa tropeo kundi sa kakayahang gamitin ang panulat bilang tinig ng katotohanan at inspirasyon para sa kapwa kabataan.